100% ‘compliance’ sa 60-day deadline ng DILG, nakamit ng San Jose del Monte

Inanunsyo ng San Jose del Monte City government sa Bulacan na 100% nang nakasunod ang lungsod sa utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na linisin ang lahat ng obstruction sa mga kalsada at bangketa sa buong bansa sa loob ng animnapung araw.

Ang pahayag ay ginawa ni San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes, sa isang pulong balitaan kasunod ng midterm assessment na ilalabas ngayong araw ng DILG.

Ayon sa alkalde, hindi  nahirapan ang lungsod sa clearing operations, dahil 2016 pa lang ay sinimulan na nila ang pagpapaalis sa mga sidewalk vendor at pagpapatupad ng road-widening program sa tinaguriang rising city.

Nakatuon na lamang aniya sa mga looban ngayon ang clearing operations ng LGU.

Malaking tulong din ang naiambag ng lahat ng mga barangay official sa mabilis na pagsasaayos sa lugar.