10 pulis ng San Rafael Municipal Police Station na nahuli ng CITF sa pangingikil ng P50-libong piso, pina-relieve ng PNP chief

Pina-relieve na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde ang sampung pulis ng San Rafael Bulacan Municipal Police Station na nahuli kahapon ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) dahil sa pangingikil ng P50,000 piso sa isang complainant.

Ito’y matapos pormal na sampahan ng CITF ng kriminal na kasong kidnapping at robbery in band ang sampung pulis sa Department of Justice (DOJ) kahapon.

Kinilala ni CITF Spokesperson PCInsp. Jewel Nicanor ang 10 pulis na sina:

1. PSI WILFREDO DIZON JR
2. SPO4 Gary Santos
3. SPO2 Christopher Aragon
4. SPO1 Dante Castillo
5. SPO1 Jophey Cucal
6. SPO1 Rolando Ignacio Jr.
7. PO3 Dennis De Vera
8. PO2 Rosauro Enrile
9. PO2 Nicanor Bautista
10. PO2 Chester Say-eo

Ang 10 pulis ay inaresto ng CITF matapos na ireklamo ng pangingikil at pagtanggap ng 50,000 piso kapalit ng pagpapalaya sa complainant na hinuli nila noong May 19 sa hindi malamang kadahilanan.

Tiniyak ng PNP chief na bukod sa kasong kriminal, sasampahan din ng kaukulang kasong administratibo ang mga naturang pulis na posibleng humantong sa kanilang pagkatanggal sa serbisyo.

Binigyang diin ng PNP chief na zero tolerance ang ipatutupad ng PNP sa mga police scalawags sa pagsulong ng internal cleansing program ng PNP. | ulat ni Leo Sarne