10% capacity para sa religious gatherings sa GCQ areas, pansamantala lamang — Malacañang

Inihayag ng Malacañang na panandalian lamang ang pananatili sa 10% capacity ng mga religious activity sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ayaw nilang biglain ang pagdaragdag sa kapasidad ng mga maaaring makadalo sa alinmang church activity dahil na rin sa bagong nagsusulputang mga variant ng virus.

Lalong-lalo na aniya ang Indian variant na hanggang ngayo’y hindi pa tumbok kung gaano na ang lawak ng pagkalat nito dito sa bansa.

Magiging unti-unti sabi ni Roque ang pagbubukas kung saka-sakali man lalo’t sa ordinaryong GCQ ay uubra ang 30% capacity.

Pero alinsunod aniya sa umiiral ngayong heightened GCQ, magiging dahan-dahan ang approach ng pamahalaan sa pagbubukas hindi lamang ng mga negosyo kundi pati ng mga aktibidad na may kinalaman sa relihiyon.