10 BIFF, sumuko sa Maguindanao

Sumuko sa 601st Infantry Brigade ng Philippine Army ang isang lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at siyam nitong kasamahan sa Shariff Aguak, Maguindanao.

Kinilala ni Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ang sumukong BIFF leader na si Commander Gani Saligan, 4th Brigade commander ng 2nd Division ng BIFF.

Kasama niyang sumuko ang kanyang mga tauhang sina Rafael Asim, Ksain Bantilan, Alex Datungan, Aladin Saligan, Longs Bantilan, Elmer Mangatog, Alan Saligan, Muhammid Maslamama at Kanaw Maslamama.

Isinuko ng mga ito ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng 50-caliber barret rifle, ultimax 5.56mm rifle, M14 rifle at 45 caliber pistol, kasama ang samu’t saring magazines at bala.

Ang mga nagbalik-loob ay iprinisinta kay 6ID Commander Major General Cirilito Sobejana kahapon sa Officer’s Club House, 6ID headquarters, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao kahapon.

Sinabi ni Commander Saligan, na sumuko sila dahil nais na nilang mamuhay nang matahimik kasama ng kanilang mga pamilya, matapos hindi matupad ang mga pangako sa kanila ng liderato ng BIFF.

Sa ngayon ay umaabot na sa 58 ang BIFF members na sumuko sa 6 ID. | ulat ni Leo Sarne