10 barangay na may mataas na kaso ng dengue, binabantayan ng QC gov’t

Mahigpit na binabantayan ngayon ng Quezon City government ang 10 barangay sa lungsod na may mataas na bilang ng mga kaso ng dengue sa unang anim na buwan ngayong taon.

Kabilang sa mga barangay na ito ang Payatas A at B, Commonwealth, Batasan, Fairview, Kamuning, Tatalon, Pasong Tamo, Tandang Sora, Bagong Silangan at Bagbag.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, mas kailangang tutukan at paigtingin ang kampanya laban sa dengue sa mga nabanggit na barangay.

Tiniyak pa ng alkalde na may sapat na rapid diagnostics test kits o NS1 ang pamahalaang lokal sa mga health centers nito na makakatulong sa pag-diagnose at pag-assess sa mga dengue cases at pagsasaayos ng referral mechanism para sa mga pasyente na nakikitaan ng senyales ng sakit na dengue.

At bukod pa dito ang kahandaan na madala at malapatan agad ng lunas ang mga pasyente sa mga pampublikong ospital sa lungsod.

Dagdag pa ng alkalde, inatasan na rin nito ang Barangay and Community Relation Department at Environmental Protection and Waste Management Department na panatilihin ang kalinisan sa lungsod lalo na ang pagpuksa sa breeding grounds ng mga lamok .