1 testigong magpapatunay ng mga kalokohan sa Bilibid, posibleng humarap sa ika-8 pagdinig ng Senado sa GCTA law

Muling ipagpapatuloy ngayong araw ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee tungkol sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law at iba pang mga anomalya sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ito na ang ika-walong pagdinig ng kumite tungkol sa isyu.

Ayon kay Senate Blue Ribbon at Justice Committee Chair Senador Richard Gordon, mamaya ay inaasahang ibabalik na sa mga kalokohan sa loob ng Bilibid ang Senate inquiry.

Isang testigo aniya na magpapatunay sa nangyayaring bayaran kapalit ang kalayaan gamit ang GCTA law ang inaasahang haharap sa pagdinig.

Bukod sa bigayan sa GCTA, papatunayan rin aniya ng naturang testigo ang bayaran para makapagpasok ng baril sa loob ng Bilibid.

Giit ni Gordon, bagamat ipapaling na muli sa Bilibid ang imbestigasyon ay hindi pa rin nila bibitawan ang usapin ng ‘ninja cops’.

Imbitado pa rin sa Senate inquiry mamayang alas-10:00 ng umaga sina PNP Chief General Oscar Albayalde, dating PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang 13 pulis na tinatawag na ‘ninja cops’ng Pampanga, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, BuCor Director General Gerald Bantag, Justice Secretary Menardo Guevarra at iba.