2 pulis patay 11 sugatan, sa ambush ng NPA sa Occidental Mindoro

Patay ang dalawang pulis, at 11 ang sugatan sa nangyaring pananambang ng hindi mabatid na bilang ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Banban, Brgy. San Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro, kaninang alas- 10:30 ng umaga.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) Mimaropa na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang mga nasawing pulis na si Police Executive Master Sergeant (PEMS) Jonathan B. Alvarez, ang team leader ng 1st Occidental Mindoro Provincial Mobile Force Company at si Police Corporal Estan T. Gongora.

Ang mga sugatan na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ay kinilalang sina: PSSg Dexter King S. Sagun; PSSg Michael L. Enero; PSSg Michael D. Sualog; PSSg Edwin E. Vergara; PSSg Nolito D. Develos Jr; PCpl Kim Jason R. Dimalaluan;
at Pat Sonny G. Soriano.

Nagtamo naman ng minor injuries at nakalabas na sa ospital sina: Pat Armando A. Pullido; Pat Jayrald B. Insigne; Pat Darwin C. Equilla; at Pat Bayani Salgado Jr.

Ayon kay Lt. Col Jordan Pacatiw, ang Provincial Director ng Occidental Mindoro, ang mga naturang pulis ay nagbigay seguridad sa convoy ni Governor Ed Gadiano, na katatapos lang magsagawa ng serbisyo caravan ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict, nang tambangan sila ng NPA.

Hindi naman aniya nadamay ang gobernador, dahil nakalampas na ito at ang niratrat ng mga rebelde ay ang nasa buntot o hulihan ng convoy.

Kasalukuyang tinutugis ng Philippine National Police sa tulong ng militar, ang mga NPA na nagsitakas matapos ang insidente.