1 pulis, kapatid ng opisyal ng DCPO, timbog sa drug buy-bust operation

Timbog ang isang pulis at ang kapatid ng opisyal ng Davao City Police Office sa isinagawang buy-bust operation ng Talomo Police Station, sa labas ng isang pamantasan sa Davao City kagabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Police Staff Sgt. Elecilito Colita, 35 anyos, naka-destino sa Marilog Police Station at Glenn Art Muring, 40 anyos, na kapatid ng isang opisyal ng DCPO.

Sa report ng kapulisan, hinuli ang dalawa matapos na bentahan ng isang sachet ng shabu ang isang operatiba na nagpapanggap na buyer, bandang alas 8:00 ng gabi sa labas ng University of Southeastern Philippines sa Barrio Obrero.

Nakuha mula kay Colita ang kanyang 9mm service pistol, habang nakuha naman kay Muring ang isang 9mm na baril at pitong sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P10,500.

Matagal na diumanong minamanmanan si Muring, na bahagi ng kanilang watch list, dahil sa pagkakasangkot nito sa paglaganap ng iligal na droga sa lungsod.