1 million doses ng Sinovac vaccine, dumating na sa bansa

Umabot na sa 6.5 million doses ng COVID-19 vaccine ang natanggap ng Pilipinas mula sa Chinese firm na Sinovac Biotech.

Ito’y matapos dumating sa bansa ngayong umaga ang karagdagang isang milyong doses ng Sinovac lulan ng Cebu Pacific flight 5J671.

Sinalubong nina National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. at Health Secretary Francisco Duque III ang mga bakuna sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.

Ayon kay Galvez, ipamamahagi ang isang milyong doses sa National Capital Region at sa mga lugar na tumaas ang kaso ng COVID-19 tulad ng Zamboanga, Cagayan De Oro, Butuan City at ilang lugar sa Region 6.

Sa mga susunod na linggo ay inaasahang bubuhos pa ang suplay ng bakuna mula sa COVAX Facility ng World Health Organization.

Kabilang dito ang 2.2 million doses ng Pfizer at 2 million doses ng AstraZeneca.

Samantala, ngayong buwan ay mayroon ding paparating na 100,000 doses ng Sputnik V vaccine mula sa Russia.