₱1-M halaga ng under-declared Ivermectin capsules, nasabat sa Pasay City

Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)-Port of NAIA ang 20,000 under-declared capsules ng Ivermectin at iba pang regulated drugs sa Pasay City.

Sa isang statement, sinabi ng BOC na nasabat ang ₱1.13-million pesos na halaga ng drug shipment sa Paircargo Warehouse.

Ang kargamento na inangkat ng Finstad, Inc. mula sa New Delhi, India ay idineklarang naglalaman ng food supplements, multivitamins, at multi-mineral capsules.

Nadiskubre ang under-declared drugs matapos isailalim sa 100 percent physical examination ang shipment.

Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Center for Drug Regulation and Research Director Jesusa Cirunay, nasa ilalim pa ng compassionate use sa specialized institutions ang Ivermectin sa pamamagitan ng compassionate special permit.

Sakaling may authorization ay kailangan pa rin aniyang magpresinta ng valid license to operate bilang Drug Importer at Emergency Use Authorization o Certificate of Product Registration.